Dalaga lumagok ng silver cleaner, patay
MANILA, Philippines - Matapos mabasa ang text message sa cellphone ng live-in partner, nagpakamatay dahil sa matinding selos sa pamamagitan ng paglagok ng silver cleaner ang isang 24-anyos na dalaga na ikinasawi nito sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang nasawi na si Ana Marie Palawan, isang sales lady ng Block 13 Lot 6 San Dionisio St., Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:15 ng hapon nang madiskubreng nagpakamatay ang biktima sa loob ng bahay ng kanyang kapatid sa #385 Pacheco St., Tondo.
Nabatid na una nang nagkaroon ng tampuhan ang biktima at live-in partner nito na si Angelito Albay kaugnay sa isang text message ng isang babae sa cellphone ng huli na nabasa ng una na nakasaad ang ganito “I love you and I miss you”.
Nagbanta na umano ang biktima na kung hindi magbabago si Angelito ay magsisisi ito sa kanyang ginagawa.
Kinabukasan umano ay humingi pa ng pera ang nasawi kay Angelito at saka umalis ng bahay upang magtungo sa bahay ng kapatid.
Nang papasok na ng trabaho si Angelito ay sinilip niya sa bahay ng kapatid ang ka-live-in na solo umanong umiinom ng alak na pinayuhan pa niya na huwag masyadong uminom at kumain muna.
Dakong alas-3:04 ng hapon nang makatanggap ng text message si Angelito mula kay Ana Marie na ganito ang sinasabi “Huwag mong kalimutan na mahal na mahal kita. Huwag mong pababayaan ang iyong sarili. Sana maging masaya kayo at wala kang pagsisisihan. Gud luck mahal.”
Bandang alas-3:15 ng hapon nang matagpuan ng isang Joan Rodriguez, residente ng lugar, sa ilalim ng hagdanan ng bahay ang biktima na nakahandusay at sa tabi nito ay isang bote ng silver cleaner na hinihinalang ininom nito. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending