MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ng National Bureau of Investigation (NBI) na may hawak silang impormante na magtuturo kung saan nakabaon ang nawawalang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) employee na si Edgar Bentain para sa posibleng pagbubukas ng kaso.
Sinabi ni NBI-Counter-Terrorism Unit chief at Regional Director Atty. Ric Diaz, hindi muna nila papangalanan ang kanilang impormante na nagsabi sa kanila kung saan matatagpuan ang bangkay ni Bentain.
Aminado si Diaz na nasa proseso pa ng beripikasyon ang lahat ng impormasyong binitiwan ng impormante dahil ito umano ay hindi naman nakasaksi sa krimen subalit ang nalalaman nito kahit isang second hand information ay maari ding pakinabanagan.
Kailangan umano nila ito upang madetermina kung may totoong krimen ng pagpatay dahil nagsimula lamang ang isyu sa pagdukot o pagkawala ni Bentain, may 10 taon na ang nakalipas.
Muling binuhay ang kaso ni Bentain matapos iutos ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera sa NBI na imbestigahan ito sa pakiusap ng pamilya Bentain na nabuhayan ng loob sa exposé ni Senator Panfilo Lacson.
Nakikipag-ugnayan na ang mga ahente ng NBI sa Task Force Bentain para sa mga detalye sa kanilang kinakalkal dahil wala pa silang nakukuhang testigo sa kaso.