MANILA, Philippines - Isang ex-convict ang napatay makaraang saksakin ng magkapatid sa isang inuman sa lungsod Quezon kamakalawa. Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Quezon City General Hospital (QCGH) ang biktimang si Aris Malasaga, 22, ng Area-5 Sitio Cabuyao Sauyo Rd. Brgy. Sauyo sa lungsod.
Samantala, nahihirapan naman ang awtoridad upang matukoy ang mga suspek dahil walang gustong magsalita sa mga residente sa takot na sila naman ang balikan.
Sa inisyal na ulat, nangyari ang insidente malapit sa bahay ng biktima pasado alas 9:30 ng gabi.
Nakikipag-inuman umano ang biktima sa tapat ng bahay ng isang Michael Lorena kabilang ang iba pang kaibigan nang dumating ang isang alyas Dodong kasama ang dalawang suspek at nakipag-inuman. Ilang sandali ay nagpa-alam ang mga suspek, at maya-maya ay muling bumalik na may dalang patalim at sinaksak sa likuran ang biktima, bago nagsitakas.
Ayon sa ulat, posibleng paghihiganti ang motibo ng pananaksak sa biktima dahil hindi naman umano nakatalo nito ang mga suspek.
Nabatid na isang buwan pa lamang na nakakalaya ang biktima matapos makulong sa kasong physical injuries kung saan dalawang taon din ang binuno niya sa Quezon City Jail. (Ricky Tulipat)