MANILA, Philippines - Dahil umano sa nais na maipagamot ang sugatang paa, natukso ang isang lalaki na dukutin ang donation box ng simbahan, na nagdahilan pang nainip siya sa pagtatapos ng misa upang humingi ng tulong sa pari, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng umaga.
Kinilala ang suspek na si John Rey Adriano, 32, ng General de Leon St., Valenzuela City.
Sa reklamong idinulog ng Parish coordinator ng San Agustin Church na si Linda Rivera, dakong ala-9 ng umaga nang maganap ang pagdistrungka ng donation box sa loob ng nasabing simbahan.
Sinabi ni Rivera na narinig niya ang mga kalansing ng pera na nagmula sa nakahigang Poong Hesukristo kaya nang inalam ay nakitang nakabukas na ang donation box sa ibaba nito at ang suspek ang huling nakita niyang galing doon. Agad ipinagbigay-alam ni Rivera sa mga barangay tanod ang ginawa ng suspek kaya ito hinabol at inaresto.
Narekober sa suspek ang 20 pirasong US dollars; Hong Kong coins at 5 pirasong tig-P100 bills at screw driver na ipinambukas sa donation box.
Aminado ang suspek na ninakaw niya ang abuloy at idinahilan na pambili ng gamot sa namamagang paa. (Ludy Bermudo)