LRT contractor hihingan ng paliwanag sa trapiko
MANILA, Philippines - Nangako si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando na sosolusyunan ang napakabigat nang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA mula Monumento, Caloocan City hanggang North Avenue sa Quezon City dulot ng konstruksyon ng Light Rail Transit Extension.
Inamin ni Fernando na napakarami nang reklamo silang natatanggap buhat sa mga motorista na dumaraan sa Monumento patungo ng Makati City at buhat sa North Luzon Expressway na dumaraan sa Balintawak, Quezon City kung saan higit sa isang oras ang itinatagal bago makalagpas sa mabigat na trapiko.
Napapansin ng mga motorista na malaking espasyo ng EDSA ang inookupa ng mga kontraktor ng proyekto kung saan maliit na bahagi ng kalsada na lamang ang nadaraanan ng mga sasakyan kaya nagkakaroon ng “bottleneck”.
Dahil dito, sinabi ni Fernando na makikipag-ugnayan sila sa mga kontraktor ng proyekto na kumpanyang “DM Consunji at First Balfours” upang magawan ng paraan ang naturang problema.
Nabatid na pawang mga lokal na mga kontraktor ang nagsasagawa ngayon ng konstruksyon ng LRT Extension na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Inumpisahan ito noong Hunyo 12 at nagmamadaling makumpleto ito sa Enero. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending