MANILA, Philippines - Isang civilian agent ng National Bureau of Investigation na isa ring negosyante ang binaril at napatay ng isang nakamotorsiklong lalaki bagaman napatay din ng suspek ang sarili nito sa Binondo, Manila kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni Manila Police District-Homicide Section chief C/Insp. Erwin Margarejo ang biktimang si Diosdado “Bong” Soriano, 43, residente ng 1189 Wagas St., Tondo, Manila.
Ayon kay Det. Rommel Del Rosario ng Manila Police District, ang nasawing suspek ay may edad na 38 hanggang 42 anyos, may taas na 5’7, medyo kulot ang buhok, may tattoo sa kanang balikat.
Sa imbestigasyon, aksidenteng nabaril umano ng suspek ang kaniyang hita habang papatakas sa may tapat ng Police Assistance Center ng MPD-Binondo-Station11 sa pa nulukan ng Recto at Soler St sa Binondo.
Nagbabantay sa kaniyang mga panindang prutas si Soriano nang lapitan ng suspek at agad na pinutukan sa ulo.
Matapos ang pamamaril ay naglakad lamang ang suspek patungo sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng isa pang di nakilalang suspek.
Habang tumatakas ang mga suspek at binabagtas ang Benavidez st., panulukan ng Luzon St., sa Tondo, biglang nahulog mula sa motorsiklo ang gunman at nakitang may tama ng baril sa hita habang ang kasamang suspek ay iniwan na siya.
Nabatid na ang baril ng suspek na nakapatay dito ang ginamit din niya sa pagpaslang sa biktima.