Driver ng US Embassy nambastos ng traffic enforcer
MANILA, Philippines - Pinaghahanap ngayon ang isang empleyado ng US Embassy na umano’y umabuso at nambastos sa isang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) noong Oktubre 16. Personal na nagtungo sa tanggapan ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) si Modesto Caguioa ng MTPB upang hingin ang tulong ng mamamahayag na matunton ang isang Joseph Fernandez na nagpakilalang taga-US Embassy sa pamamagitan ng kanyang ID. Sa pahayag ni Caguioa, dakong alas-12 ng tanghali, habang siya ay nagta-traffic sa panulukan ng P. Burgos at Almeda Streets nang biglang humarurot sa red light si Fernandez kung saan muntik nang masalpok nito si Tony Cunanan na isa ding news photographer na sakay din ng motorsiklo. Dahil dito, ipinasya ni Caguioa na sundan si Fernandez upang sabihin ang kanyang paglabag. Subalit laking gulat ni Caguioa nang maglabas ng calling card at magpakilalang taga-US Embassy si Fernandez at hinamong sampahan siya ng kaso. Ang calling card ay may logo ng US Embassy kung saan nakasaad na si Fernandez ay driver at may call sign na ‘Falcon.’ (Doris Franche)
- Latest
- Trending