MANILA, Philippines - Isang negosyante ang napatay makaraang pagbabarilin ng isa sa tatlong lalaking lulan sa isang motorsiklo habang papalabas ng isang restaurant sa Quezon City kahapon.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nakilala ang biktima na si Delfin Gener Santos, 59, ng Brgy. Laging Handa sa lungsod. Mabilis namang tumakas ang mga suspect matapos ang isinagawang krimen.
Ayon kay William Chua, may-ari ng Pingping Lechon, ang naturang biktima ay suki umano ng kanilang restaurant at kilala ito sa alyas Boy. Sinasabing nangyari ang insidente sa harap mismo ng Pingping Lechon na matatagpuan sa La Loma A. Bonifacio Avenue corner Mariveles St., Brgy. Paang Bundok sa lungsod pasado ala-1 ng hapon. Sinasabing ang mga suspek na nagkunwaring kustomer kung saan dalawa sa mga ito ang kumakain habang ang isa ay nakahiwalay na umiinom ng softdrinks na matagal nang naghihintay sa nasabing restaurant.
Kasalukuyang kumakain din sa lugar ang biktima kasama ang apat pang kalalakihan na hinintay na makatapos ng mga suspek. Matapos kumain at palabas ng nasabing restaurant ang biktima nang lapitan ng mga suspek at pagbabarilin.
Matapos bumulagta ang biktima ay mabilis na nagsipagtakas ang mga suspek lulan ng isang motorsiklo. Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na siyang ugat ng agarang pagkamatay nito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at ng mga nasabing salarin. (Ricky Tulipat)