Nanloob sa Greenbelt 5 kinilala

MANILA, Philippines - Nakilala na ng pulisya ang apat na holdaper na nanloob sa Rolex store sa loob ng Greenbelt 5 Mall sa Makati City noong Linggo ng tanghali.

Ito ay matapos na po­si­tibong ituro ng mga tes­tigo ang kanilang larawan na kuha ng close circuit television (CCTV).

Nabatid kay Southern Police District (SPD) Di­rector Chief Supt. Jaime Calungsod, napag-ala­man na pinangunahan ni Alvin Flores na kilala sa alyases nito na “Bunso” “Lester” at Engineer Dave Maceda ang panloloob sa Green­belt, kasama ang kanyang grupo na ka­bilang sa mga nalalabing miyembro ng Waray-Wa­ray gang.

Kinilala pa rin ang mga suspek na sina Roland dela Cruz; Walter Mutia at ang napaslang na si Ar­mando Domingo na posi­tibong kinilala naman ng kanyang tiyahin bagama’t nananatili pa rin sa Vero­nica Funeral Homes sa Pasay City.

Sinabi ni Calungsod na ang isa sa mga sa­sakyang ginamit ng mga suspek na Toyota Corolla na may pla­kang XCR-613 ay unang nakarehistro sa isang Antonio Miguel ng Alcon Laboratory Philip­pines bago inilipat sa isang Jose­lito de Leon ng Ga­gala­ngin, Tondo noong Agosto 3, 2007.

Muling nailipat sa isang Jessyl Tanuecos ang pag-aari ng nasabing sasakyan noong Oktubre 21,2007 hanggang noong Enero 25, 2009 ay binili ito ng isang Marlon de Silva.

Kumpiyansa rin si Ca­lungsod na malaki ang maitutulong ng P.5 mil­yong inilaang pabuya ng Philip­pine National Police (PNP) sa sinumang ma­ka­ka­pag­bigay ng impor­masyon para sa ikadara­kip ni Alvin Flores. (Lor­deth Bonilla)

Show comments