Pahinante na-'sandwich' ng 2 truck, todas
MANILA, Philippines - Patay ang isang truck helper makaraang maipit ito sa nagbundulang dalawang truck habang ang una ay nagtutulak ng isa sa mga nabanggit na sasakyan na tumirik sa kalsada ng Commonwealth Avenue sa lungsod Quezon, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Roger Jacob, residente sa Brgy. Bagong Silangan sa lungsod. Nadakip naman ang driver ng truck na si Ruben Marayan, 35, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.
Ayon sa ulat, dead-on- the-spot ang biktima sa nasabing lugar dahil sa matinding pinsalang natamo ng katawan nito.
Nangyari ang insidente ganap na alas-3 ng madaling-araw sa may Commonwealth Avenue harap ng St. Peter Parish. Minamaneho ni Marayan ang Fuso dump truck na may plakang RJA-331 nang bundulin nito ang isang Mitsubishi Canter (TPV-945) na itinutulak ni Jacob matapos na masiraan. Habang itinutulak ng biktima ang Canter ay bigla namang sumulpot ang truck ni Marayan at binundol ito dahilan upang tamaan si Jacob at maipit na siyang agad na ikinasawi nito.
Isinisi naman sa madilim na bahagi ng Commonwealth Avenue kung kaya hindi namalayan ni Marayan na may nakahintong truck dito kung kaya siya nagtuluy-tuloy.
- Latest
- Trending