MANILA, Philippines - Dalawang holdaper ang naaresto ng mga awtoridad ilang minuto makaraang biktimahin ang isang negosyanteng Indian national sa lungsod Quezon.
Kinilala ni Chief Supt. Elmo San Diego, director ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga suspek na sina Marvin Pancho de Guzman, 19; at Macmac Tumpang Pablo, 19. Ayon kay San Diego, nadakip ang mga suspek makaraang holdapin ng mga ito ang biktimang si Baldev Singh, 36, ng Basilio St., Sampaloc, Manila.
Nangyari ang insidente sa Brgy. N.S. Amoranto sa La Loma, ganap na alas-5 ng hapon. Sinasabing sakay ng isang Honda XRM-125 motorcycle (4472-FF), ang biktima nang harangin ito ng tatlong kalalakihan at holdapin.
Matapos nito agad na sinamsam ng mga suspek ang dalang P4,000, Nokia cellular phone ng biktima, kung saan hindi pa nasiyahan ay tinangay pa ng mga ito ang motorsiklo na siyang ginamit nilang get-away.
Kasalukuyan namang nagpapatrulya ang Mobile Patrol Unit QC-134, sa nasabing barangay at nakita ang isang lalaking humahangos na humihingi ng tulong kaugnay sa naganap na panghoholdap, dahilan upang saklolohan nila ito.
Nagkaroon ng maikling habulan, hanggang sa makorner ang mga suspek sa Roosevelt Avenue corner Dangay Street, Project 7 at maaresto ang dalawa sa mga suspek, habang ang nagsilbing driver ng mga ito ay nakatakas.
Nasamsam sa kanila ang isang kalibre 38 baril at patalim, ngunit ang motorsiklo at pera ng biktima ay natangay ng isa sa mga suspek. (Ricky Tulipat)