P.5-milyong reward sa Alvin Flores group, inilabas

MANILA, Philippines - Inirekomenda na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaloob ng P500,000.00 reward para sa sinumang indibidwal na ma­kapagbibigay ng impormas­yon sa ikaaaresto ng lider ng kilabot na Alvin Flores gang na nasa likod ng robbery/holdup sa Metro Manila at mga ka­ratig lalawigan.

Sinabi ni PNP Directorate for Intelligence Chief P/Di­rector Eugene Martin, isinu­long ng PNP na mapabilang sa listahan ng mga wanted sa batas ang grupo ni Alvin Flores, lider ng notoryus na robbery/gang sa DILG-PNP reward system dahilan mapa­nganib at armado ang mga ito.

Ang Alvin Flores gang ang hinihinalang nasa likod ng sunud-sunod na pangho­holdap kabilang ang Walter­mart Supermarket sa Quezon City noong Setyembre at ang Greenbelt 5 sa Makati City naman nitong linggo.Kaugnay nito, inatasan na ni PNP Chief Director General Jesus Ver­zosa ang Criminal Investi­gation and Detection Group para maglunsad ng espesyal na operasyon upang tumu­long sa National Capital Re­gion Police Office (NCRPO) sa pagtugis at pag-aresto sa Alvin Flores gang.

Ayon naman kay PNP Spokesman Sr. Supt. Leo­nar­do Espina, minomobilisa na ng CIDG ang intelligence net­work nito upang mapabilis ang pag­ dakip at pagpapataw ng kapa­rusahan sa naturang grupo.

Kasalukuyan ring nire-review ng CIDG investigators ang video footages na na­kunan sa CCTV monitor sa loob ng Greenbelt 5 upang ma­pabilis ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspect. (Joy Cantos)

Show comments