P.5-milyong reward sa Alvin Flores group, inilabas
MANILA, Philippines - Inirekomenda na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaloob ng P500,000.00 reward para sa sinumang indibidwal na makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng lider ng kilabot na Alvin Flores gang na nasa likod ng robbery/holdup sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Sinabi ni PNP Directorate for Intelligence Chief P/Director Eugene Martin, isinulong ng PNP na mapabilang sa listahan ng mga wanted sa batas ang grupo ni Alvin Flores, lider ng notoryus na robbery/gang sa DILG-PNP reward system dahilan mapanganib at armado ang mga ito.
Ang Alvin Flores gang ang hinihinalang nasa likod ng sunud-sunod na panghoholdap kabilang ang Waltermart Supermarket sa Quezon City noong Setyembre at ang Greenbelt 5 sa Makati City naman nitong linggo.Kaugnay nito, inatasan na ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang Criminal Investigation and Detection Group para maglunsad ng espesyal na operasyon upang tumulong sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagtugis at pag-aresto sa Alvin Flores gang.
Ayon naman kay PNP Spokesman Sr. Supt. Leonardo Espina, minomobilisa na ng CIDG ang intelligence network nito upang mapabilis ang pag dakip at pagpapataw ng kaparusahan sa naturang grupo.
Kasalukuyan ring nire-review ng CIDG investigators ang video footages na nakunan sa CCTV monitor sa loob ng Greenbelt 5 upang mapabilis ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspect. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending