MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at ipatapon na pabalik sa kanyang bansa ang isang Koreano makaraang bulabugin ang Korean Embassy nang magtangka itong tumalon buhat sa ika-18 palapag ng gusali, kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Sasampahan ng kasong alarm and scandal ng Makati police ang 30-anyos na si Cho Yang Woon nang lumikha ng gulo sa Pacific Star Building sa may kanto ng Buendia at Makati Avenue ng lungsod na ito dakong alas-5:45 ng hapon. Bukod dito, nakatakdang ipatapon na rin pabalik ng kanyang bansa bilang “undesirable alien” si Cho.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na inaresto ng mga tauhan ng Makati Police ang dayuhan sa loob ng isang casino sa Makati City nang magwala matapos na matalo sa sugal.
Dinala ito ng mga tauhan ng Makati police sa Korean Embassy na nasa loob ng Pacific Star Building upang ayusin ang pagpapa-deport dito ngunit nakiusap ito na tanggalin ang kanyang posas at magbabawas lamang sa palikuran.
Dito na umano nagkandado sa loob ng comfort room si Cho at nang mabuksan ng mga pulis ang pinto ay nasa bintana na ito ng gusali at nagbantang tatalon kapag lumapit ang mga pulis. Mahigit dalawang oras na nakipagnegosasyon ang mga alagad ng batas hanggang sa makumbinse ang dayuhan na bumaba sa bintana at sumuko. (Danilo Garcia)