MANILA, Philippines - Luwa ang utak sa bungo ng isang 26-anyos na lalaki nang magulungan ang ulo niya ng huling gulong ng ten- wheeler truck, matapos na salpukin ang kanyang motorsiklo, sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Joel Santiago, binata ng A. Maceda St., Sampaloc, Maynila. Hawak naman ng Manila Police District (MPD)-Traffic Bureau (TB) ang suspek na si Rolly Tumimbang, 36, driver ng 10-wheeler truck at residente ng Brgy. Tugas, Baliuag Bulacan.
Ayon sa report, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Maceda at Makiling Sts., Sampaloc.
Nabatid na pa-southbound ang nasabing truck nang masalpok ang biktima. Nang tumumba ang biktima ay nagulungan pa ito ng hulihang gulong ng truck na sanhi ng agaran nitong kamatayan. Nabatid na wala umanong suot na helmet ang biktima. (Ludy Bermudo)