MANILA, Philippines - Ipinagtanggol ni retired PNP General Edgar Aglipay, pinuno ng security agency ng Greenbelt Mall, ang hindi pakikipagbarilan ng kanilang mga security guards sa mga miyembro ng “Alvin Flores Gang” dahil sa mas prayoridad nila ang kaligtasan at buhay ng kanilang mga inosenteng kostumer.
Idiniin ni Aglipay, dati ring hepe ng PNP, na ayaw nilang maulit ang naganap na madugong December 2008 shootout sa Parañaque City kung saan 16 ang nasawi kabilang ang ilang sibilyan dahil sa pakikipagbarilan ng mga pulis sa mataong lugar.
Ngunit inamin naman nito na nagkaroon sila ng pagkukulang sa seguridad dahil sa nabigo siya na makipagkoordinasyon sa hepe ng Makati City Police ng pumasok ang mga armadong kalalakihan nagpakilalang mga pulis.
Sa kabila nito, mistulang sinabi ni Aglipay na hindi lang maaaring isisi sa security agency ng Greenbelt ang paglusot ng mga holdaper dahil sa may pinaiiral naman na tinatawag na “Makatishield”. Nakapaloob dito ang kooperasyon ng security agency ng Greenbelt, mga security ng iba’t ibang malls sa Makati, mga barangay tanod, tauhan ng PCP at mga nakaistasyong tauhan ng Regional Mobile Group ng National Capital Region Police Office at SWAT ng Makati police na dapat ay nagtutulung-tulong sa seguridad.
Iginiit nito na hindi na nagawa pang maawat ang pagpasok ng armadong mga suspek dahil sa agad na napadapa ang inabutang nag-iisang guwardiya habang nairadyo naman nila sa Makati police ang insidente. Inamin rin ni Aglipay na mas inuna nila na palabasin ang mga nagpa-panic na mga kostumer ng mall at huwag magpapasok ng iba kaysa makipagbrilan sa mga holdaper upang maiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga inosenteng sibilyan. (Danilo Garcia at Joy Cantos)