MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nasawi, habang isa pa ang sugatan makaraang sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa gilid ng isang tulay nang mawalan ng kontrol dahil sa sobrang kalasingan, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Kapwa naisugod pa sa pagamutan ang mga biktimang sina Elmer Bello at Rogelio Beronia Jr. ngunit kapwa hindi na umabot ng buhay. Masuwerte namang nagtamo lamang ng mga sugat at galos sa katawan ang ikatlong sakay ng motorsiklo na si Eddie Beronia, kapatid ni Rogelio. Kasalukuyang nagpapagamot ito sa Las Piñas District Hospital.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:15 ng gabi sa kahabaan ng C-5 Extension sa Sucat kung saan sakay ang mga biktima ng isang motorsiklong Honda (PL-2831) na minamaneho ni Bello.
Sa pahayag ng nakaligtas na si Beronia, galing silang tatlo sa isang inuman at nang makarami ay nagpasyang umuwi sakay ng motorsiklo sa kabila na pare-pareho silang lango na sa alak at wala pang mga helmet.
Naging napakabilis umano ng pagpapatakbo ni Bello sa motorsiklo hanggang sa mawalan ng kontrol dahil sa madulas na kalsada at dire-diretsong sumalpok sa barandilya ng isang tulay sa may C-5 extension. (Danilo Garcia)