MANILA, Philippines - Kapwa inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang umano’y retired nurse at pasyente nito habang nasa aktong isinasagawa ang paglalaglag ng nasa sinapupunan ng huli, sa Makati City, sa ulat kahapon.
Hawak ngayon ng MPD-District Police Intelligence and Operation Unit (DPIOU) ang mga suspek na sina Paz Diestro, alyas “Lola Paz”, 76, biyuda, retired nurse ng Malolos St., Brgy. Olympia, Makati City at Evelyn Sicosana, alyas Rhea, ng Pasay City. Si Sicosana ay kasalukuyang ginagamot sa Ospital ng Maynila.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:30 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa loob ng isang bahay sa Malolos St., Brgy. Olympia, Makati City. Nabatid na isinuplong ng isang Grace Dabuet sa Manila Police ang magaganap na pag-aabort ng suspek at itinuro ang lugar sa Makati.
Nang makipag-transaksyon kay Dabuet ang abortion agent na si alyas “Becka’, sa harapan ng Quiapo church at sumakay ng isang taxi ay binuntutan na sila ng mga operatiba. Nang sumapit sa nasabing lugar, tinimbrihan ni Dabuet ang mga awtoridad kaya pinasok ang bahay sa aktong nagsasagawa ng abortion operation si Diestro sa pasyenteng si Sicosana.
Gagamiting ebidensiya sa kasong paglabag sa Article 256 at 259 na inihain kay Dies tro ang mga nasamsam na kagamitan sa pampalaglag at maging ang isang fetus na nasa 3 hanggang 4 na buwang gulang na tinanggal sa sinapupunan nito, na nakalagay pa sa isang arenola.