'Thrill killer' ng Tondo, arestado
MANILA, Philippines - Arestado ang itinuturing na thrill killer at ‘Public Enemy no. 1 ng Tondo’ na responsable sa ‘unsolved cases’ ng pamamaril sa mga bystanders kabilang ang dalawang nursing students na kanyang napatay sa nabanggit na lugar.
Nadakip ng pinagsanib na puwersa ng NBI at MPD ang suspect na si Vic John Encinas, alyas Moymoy, 15, ng Mata St., Tondo, Maynila. Siya ang lider ng Tres Puntos Gang, na nakilalang notoryus sa walang habas na pamamaril sa mga taong kanyang madaraanan habang sakay ng kaniyang motorsiklo sa erya ng Tondo.
Base sa report, matagal na umanong gawain ng siga ang pamamaril kahit walang dahilan kaya marami na ang natatakot na lumabas ng bahay simula nang mambiktima siya noong “Mahal na Araw” sa isang “Pabasa o Pasyon”. Naging susi sa pagtukoy sa kanya at pagkakaaresto ang isa sa kanyang naging biktima na masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan na si Vincent Tordera Jr., na siyang nagbigay ng testimonya hinggil sa ginawang pamamaril sa kanila at sa dalawa niyang kasamang nursing students na napatay ng suspek.
Nabatid na noong Agosto 3, 2008 nang si Tordera at ang nursing students na sina Bryan Lorenzana at Ricky Almario ay naglalakad pauwi matapos manggaling sa “Pabasa” nang madaanan ng nakamotorsiklong suspek at pagbabarilin. Nasawi ang dalawa at si Tordera ang sinuwerteng makaligtas .
Si Encinas ay namataan kamakalawa na nakikipag-inuman sa kaniyang gang mates sa Tondo kaya agad ipinaalam sa NBI at MPD-station 1 na doon siya inaresto ng mga awtoridad. Ilang kaso pa ang bineberipika na nag-sasangkot kay Encinas. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending