MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang isang Police Precinct Commander kaugnay sa naganap na holdap sa Greenbelt 5 sa Makati City na nauwi sa shootout matapos mapatay ang isang hinihinalang notoryus na miyembro ng isang organisadong grupong kriminal kamakalawa.
Kinilala ang pinatawan ng ‘administrative relief’ na si Police Precinct Commander (PCP) 6 Commander Chief Inspector Merquiodi Bodano.
Sinabi ni Verzosa na ang hakbang ay kaugnay ng command responsibility dahilan sa ang presinto nito ang may hurisdiksyon sa seguridad ng Greenbelt 5 kung saan nangyari ang pagnanakaw sa isang Rolex Store sa nasabing establisimento.
Sa kasalukuyan, ayon sa PNP Chief ay patuloy ang hot pursuit operations laban sa organisado at mapanganib na grupo ng mga suspect na hinihinalang miyembro ng Alvin Flores gang.
Kaugnay nito, sinabi ni Verzosa na dapat makipag-ugnayan muna ang mga nangangasiwa sa seguridad ng isang mall sa PNP at alamin kung may lehitimong operasyon sa lugar bago papasukin ang mga dumaraan sa entrance ng mga malls at iba pa lalo na’t nagpapakilalang pulis.
Nitong Linggo (Oktubre 18) ay nilooban ng mga unipormado na nagpakilalang miyembro ng Special Action Force (SAF) at Bomb Squad ng PNP ang puwesto ng Rolex sa loob ng Greenbelt 5.
Ayon kay Verzosa, lumilitaw sa imbestigasyon ng PNP na modus operandi ng mga organisadong kriminal ang magsuot ng uniporme ng mga pulis at magpakilalang mga awtoridad upang madali ng mga itong maisagawa ang kanilang mga pakay.
Samantala , pinarangalan na ang dalawang pulis na bodyguard ni Taguig City Mayor Freddie Tinga na matapang na nakipagbarilan sa mga armadong holdaper. Sina SPO1 Cesar Tiglao at PO1 Efren Ceniza ay iprinomote na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa susunod na ranggo at binigyan ng meritorious awards sa pagreresponde sa insidente kung saan isa sa mga suspect ang napaslang.