Car owners binalaan sa bogus claims
MANILA, Philippines - Ibinunyag kahapon ng National Capital Region Police Office ang panloloko ng ilang mga may-ari ng mga sasakyang nalubog sa tubig-baha na idinadahilan na nanakaw ang kanilang kotse upang makasingil sa “insurance” nito.
Nagbabala si NCRPO Chief Director Roberto Rosales na mahaharap sa paglabag sa “Insurance Code” ang mga may-ari ng kotse kung mapapatunayan na pinipeke nila ang dahilan o may “bogus claims” para makasingil sa nasira nilang sasakyan na hindi naman kinarnap ngunit lumubog o natangay ng baha nitong nakaraang bagyong Ondoy.
Dahil umano sa mga pekeng “claims” na ito, tumataas ngayon ang bilang ng “reported” na na-karnap o nawawalang mga kotse sa Metro Manila.
Maaari umanong magdulot ito ng negatibong reaksyon buhat sa publiko sa pag-aakalang talamak na naman ang insidente ng “carnapping” sa Kamaynilaan.
Sa kabila nito, patuloy pa rin naman ang NCRPO sa kanilang mahigpit na kampanya kontra carnapping.
Sa pagitan lamang ng Hulyo at Agosto 2009, may 26 na kotse at 19 na motorsiklo na ang kanilang narerekober kung saan 14 na suspek kabilang ang dalawang aktibong pulis ang naaresto. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending