Developers sinisi rin sa baha
MANILA, Philippines - Bukod sa libu-libong pamilyang iskuwater, sinisi rin ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Bayani Fernando ang mga developers ng napakarami na ngayong mga subdibisyon na isa pang malaking dahilan ng naganap na napakataas na pagbaha sa Kalakhang Maynila noong Setyembre 26.
Sinabi ni Fernando na tinabunan na ng mga subdibisyon at maging ng mga malalaking pabrika ang dating mga palayan at ang mga natural na daluyan ng tubig sa tinatawag na “Marikina Valley” na binubuo ng Quezon City, Marikina, Pasig City at Cainta, Rizal kaya naging napakatindi ng pagbabaha.
Noon anyang 1909-1937, maraming malalaking pagbabaha rin ang naganap sa Marikina Valley ngunit hindi ito gaanong nakaapekto sa mga mamamayan dahil sa dumaloy lamang ang tubig-ulan sa mga palayan at maraming daluyan ng tubig kaya agad na naitataboy ito patungong Laguna de Bay, Marikina River, Ilog Pasig na pawang malalalim pa hanggang sa Manila Bay.
Ngayon, ang naturang mga lugar umano ay punung-puno na ng mga subdibisyon na karaniwang tinatabunan ang mga ilog at sapa na kanilang dinidebelop at mga pabrika. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending