Greenbelt 5 pinasok ng 11 holdaper: 1 patay sa Makati shootout
MANILA, Philippines - Isa sa 11 hinihinalang holdaper ang napatay sa pakikipagbarilan sa pulisya nang holdapin nila ang tindahan ng Rolex sa unang palapag ng Greenbelt 5 sa Makati City kahapon ng tanghali.
Gayunman, ayon kay Southern Police District Director Chief Superintendent Pedro Calunsod, walang nadamay na iba at nag-iimbentaryo pa sila kung ano at magkano ang nakuha ng mga holdaper sa tindahan.
Takda ring silipin ng pulisya ang video ng CCTV camera para matukoy kung paano nakapasok sa Greenbelt ang mga suspek na nakasuot ng itim na bomb squad uniform.
Ilang oras na kinordon ng pulisya ang lugar habang nasa loob ng mall ang mga mamimili at tinutugis ng mga awtoridad ang iba pang mga suspek sa loob.
Bumalik ang normal operation kinalaunan sa Greenbelt 1,2,3, at 4 pero nanatiling nakasara ang Greenbelt 5 habang isinusulat ito. Hindi rin pinaalis ang mga sasakyang nakaparada sa loob ng mall. Pero, ayon sa isang radio report, 11 suspek ang tinutugis ng pulisya.
Nabatid na isa sa mga bodyguard ni Taguig Mayor Freddie Tinga na nanananghalian sa Greenbelt 5 nang mga oras na iyon ang nakapatay sa isa sa mga suspek. Sinabi ni Tinga na pitong holdaper ang nakita niya at ng kanyang mga bodyguard.
Lumilitaw umano sa isang closed-circuit television na 11 suspek na kinabibilangan ng isang babae ang sangkot sa holdapan. Anim sa mga ito ang nagsilbing lookout sa ikalawang palapag habang ang iba naman ang siyang nagnakaw sa mga mamahaling relo.
Meron ding report na may mga suspek na dumaan sa basement sa kanilang pagtakas.
Hanggang isinusulat ang balitang ito, hindi pa nakikilala ng mga awtoridad ang nakabulagtang suspek na armado ng M-14 rifle habang nasa tabi pa ng bangkay ang ilang mamahaling relos na kabilang sa kanilang mga kinulimbat.
Pawang nakasuot ng uniporme ng bomb squad at armado ng grenade launcher, M-14 at M-16 Armalite rifle ang mga suspek nang pasukin ang Rolex Watch Store.
Ayon naman kay Stephanie Shriela, attendant ng isang tindahan ng sapatos na katapat lamang ng Rolex, kitang-kita niya ang mga naka-uniporme pang miyembro ng bomb squad na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril nang pagbabasagin ang salamin ng eskaparate bago pinagkukuha ang mga naka-display na relos na daang libo ang halaga.
Nagkataon namang dumalo sa birthday party ng pamangkin na gaganapin sa Terrace Restaurant na malapit lamang sa lugar na pinangyarihan si Tinga, kasama ang buong pamilya at security escort na sina SPO1Cesar Tiglao at PO1 Efren Ceniza na kaagad nagresponde nang masaksihan ang pangyayari.
Sinalubong kaagad ng mga putok ng baril ang dalawang security escort ni Tinga na kaagad namang gumanti ng putok gamit ang armas nilang kalibre .45 at .9mm na nagresulta sa pagkakapatay sa isa sa mga suspek habang tumakas ang kanyang mga kasamahan.
Kaagad namang pinalibutan ng mga nagrespondeng tauhan ng Makati City Police sa pangunguna ni Sr. Supt. Cedric Train ang buong Greenbelt 5 pati na ang basement parking sa pag-asang naroon pa ang mga suspek na posibleng tumangay pa ng gagamiting sasakyan.
- Latest
- Trending