MANILA, Philippines - Dahil sa pagnanais na maginhawahan ang bagong silang na anak, direktang nagkabit ng iligal na kuryente sa poste ng Meralco ang isang 45 -anyos na ama na ikinasawi nito nang madikit sa high tension wire, sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Mga tauhan pa ng Meralco ang nag-alis sa pagkakadikit sa linya ng kuryente ng biktimang si Jose Domingo, dating barangay tanod ng New Antipolo St., Tondo.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa mismong poste ng Meralco malapit sa barangay hall sa New Antipolo st., Tondo.
Sinabi ni Ricardo Domingo, kapatid ng nasawi, na direktang ikinakabit umano ng kanyang utol ang kable sa poste ng Meralco dahil sa kaiiyak ng bagong silang niyang anak na naiinitan.
Nais lamang din umanong may masaksakan ng bentilador ang kapatid niya kaya umakyat sa poste nang madikit sa high tension wire at biglang mangisay.
Sinubukan pang isalba ang buhay nito nang isugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) subalit patay na nang idating ito. (Ludy Bermudo)