Bigong holdap: Anak todas, ama sugatan
MANILA, Philippines - Isa ang patay habang sugatan naman ang tatay nito makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa umano’y bigong holdap na naganap sa Quezon City kahapon ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si Rolly Humangit, 37, ng Brgy. Ilang-ilang Brgy. Payatas sa lungsod. Habang sugatan naman ang tatay nito na si Romeo Humangit, 64, ng nasabi ring lugar.
Nabatid sa ulat, naganap ang insidente sa may kahabaan sa kanto ng T. Morato at E. Rodriguez Avenue sa Quezon City, pasado ala-1:30 ng hapon.
Bago ito, galing umano ang mag-ama sa isang sangay ng Metrobank Morato branch at nagwithdraw ng halagang P130,000 nang sundan ng isang motorsiklo lulan ang mga suspek habang sakay ang mga una ng Mitsubishi van (WTG-877).
Sinasabing nagpakarga muna ng gas sa may Shell gasoline station sa lugar ang mga biktima at habang tinatahak ang lugar ay biglang pinaulanan ang mga ito ng bala ng nakamotorsiklong suspect.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela si Romeo at diretsong sinalpok nito ang dalang sasakyan sa pader sa may kanto ng nasabing lugar.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib at leeg si Rolly habang nagkasugat-sugat naman ang mukha ni Romeo matapos na tamaan ng basag na salamin o bubog ng windshield. Sa naturang insidente, hindi na nagawa pa ng mga suspek na kunin ang dalang pera ng mga biktima at tuluyan nang nagsipagtakas.
Nagawa pang maitakbo sa St. Luke’s Medical Center ang mag-ama ngunit makalipas ang ilang oras ay binawian din ng buhay ang batang Humangit.
Samantala, agad namang nai-alarma ang nasabing insidente sa tanggapan ng Station 11 at agad na nagsagawa ng follow-up operation kung saan dalawa sa mga suspek ang naaresto sa may Betty Go St., sa lungsod.
Kinilala ng pulisya ang mga ito na sina Pedro de Leon, 56; at Ricky Cervantes, 38; kapwa residente sa Brgy. Kamuning sa lungsod. Todo tanggi naman ang dalawa sa bintang sa kanila. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending