MANILA, Philippines - Kalunus-lunos na kamatayan ang inabot ng isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang paulit-ulit na masagasaan ng iba’t ibang uri ng sasakyan sa isang madilim na bahagi ng service road ng South Luzon Expressway sa Parañaque City kahapon ng madaling-araw.
Halos magkapira-piraso at nagmistulang giniling ang katawan at nabura na ang mukha ng biktima dahil sa dami ng gulong na dumaan sa katawan nito at hindi umano nakita ng mga driver dulot ng sobrang dilim sa naturang bahagi ng kalsada.
Tanging ang de-gomang sapatos lamang ang naging basehan ng mga awtoridad upang ideklara itong isang lalaki.
Ayon sa ulat, dakong ala-1:30 nang may tumawag sa kanilang residente ng East Service Road ng SLEX sa Brgy. San Martin de Porres, ng naturang lungsod ukol sa isang nadiskubreng bangkay ng lalaki.
Una umanong inakala ng mga residente na biktima ng “summary execution” ang nakitang katawan na nakahandusay sa gitna ng kalsada ngunit nang inspeksyunin ng mga awtoridad ay nadiskubreng biktima ito ng “hit-and-run” ng maraming sasakyan.
Teorya ng pulisya, hindi napansin ng mga motorista ang biktima kaya nabangga ito at dahil sa may kadiliman kaya’t ang nakahiga nang biktima ay paulit-ulit itong nasagasaan.
Sinisisi naman ng mga residente ang pamahalaang lokal ng Parañaque dahil sa hindi paglalagay ng sapat na ilaw sa naturang kalsada na napakataas na ang antas ng aksidente at pinamumugaran rin ng mga holdaper.
Disyembre 2008 pa umano itinayo ang mga poste ng ilaw ngunit hindi naman gumagana at hindi inaasikaso ni Mayor Florencio Bernabe. (Danilo Garcia)