MANILA, Philippines - Arestado ang isang kagawad ng Quezon City Police matapos ang isinagawang entrapment operation habang wini-withdraw sa isang bangko ang tsekeng galing sa isang negosyante na kanyang kinotongan sa lungsod kahapon ng hapon.
Kinilala ni Supt. Jesus Balingasa, hepe ng Police Station 10 ng QCPD ang suspek na si SPO1 Renato Pongco, 44, nakatalaga sa Mobile Patrol Unit (MPU) ng QCPD at residente ng Grace Park Caloocan City.
Inaresto si Pongco base sa reklamo ng kanyang biniktima na si Vincent Papa, 35, contructor president at residente ng 7th St., Kamias sa lungsod.
Ayon kay Balingasa, nag-ugat ang entrapment operation matapos na dakpin ni Pongco kasama ng dalawa pang pulis ang biktima habang sakay ito ng Chevrolet (XRG-312) dahil sa hindi mabatid na paglabag sa may Kalayaan Avenue sa lungsod ganap na alas-2 ng madaling-araw.
Labis umanong nagtaka ang biktima gayung wala naman siyang nalalamang paglabag.
Upang hindi na arestuhin, pinilit ng suspek na aregluhin na lamang sila kapalit ang halagang P15,000. Ngunit walang dalang pera ang biktima kaya napilitan umano ito na gawin na lang itong tseke na tinanggap naman ng suspek at saka ito pinakawalan.
Matapos ang insidente, nagpasya ang biktima kahapon na ipa-alarma ang nasabing tseke sa EastWest bank at ipaaresto ang suspek habang nasa banko.
Sa presinto, inamin naman ni Pongco ang bintang sa kanya sa pagsasabing nagipit lamang siya kung kaya niya nagawa ito. (Ricky Tulipat)