Tone toneladang basura, sinabuyan ng disinfectant
MANILA, Philippines - Iniulat kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagsasabog nila ng mga “disinfectant” na kemikal sa tone-toneladang basura na nakalap sa kanilang paglilinis upang agad na makontra ang pinangangambahang pagputok ng mga karamdaman sa mga lugar na tinamaan ng pagbabaha.
Sa ulat ng Solid Waste Management Office ng MMDA, noon pang nakaraang linggo nila inumpisahan ang pagsasabog ng disinfectants sa mga nakokolekta nilang basura sa Marikina at isasagawa rin ito sa Pasig at Taguig. Bumili ang ahensya ng siyam na “knapsack sprayers” na may lamang kemikal na “Plantex” na umano’y walang masamang epekto sa kalusugan dahil sa “non-toxic” at nakakapagpabilis sa pagbubulok ng mga basura. Umaabot na umano sa 900 litrong disinfectant ang kanilang nagamit.
Una na nilang nasakop sa operasyon ang mga Brgy. Sta. Ana, Calzada, Ibayo at Ligid sa Taguig City at mga pansamantalang “dumpsite” sa Manggahan Floodway at mga basura sa Brgy. Santolan sa Pasig City. Na-disinfect na rin ang mga pansamantalang dumpsites sa Sumulong at Balugad sa Marikina City, maging ang mga nakatabing basura sa mga Brgy. San Roque, Nangka, Sto. Niño at Malanday. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending