Bantay salakay na sekyu, huli sa CCTV
MANILA, Philippines - Muling napatunayan ang kahalagahan ng paglalagay ng closed circuit television (CCTV) camera sa mga opisina o anumang establisyemento dahil sa pamamagitan nito, isang security guard na nakitang nilooban ang binabantayang warehouse ang inaresto na ng mga awtoridad sa lungsod Quezon.
Hindi na nagawa pang makapagsinungaling ng suspek na si Joel Malubay, 23, ng Judge Juan de Luna, Brgy. Bungad sa lungsod nang dakmain ng tropa ng Police Station 7 ng Quezon City Police, matapos na makumpirma ang ginawa nitong pagnanakaw sa binabantayang Dynasty Warehouse and Upholstery na matatagpuan sa Monterey St., Cubao.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumilitaw na bago ang pag-aresto, nakita mula sa CCTV camera ng kumpanya ang ginawang pagnanakaw ng suspek dito kung saan kitang-kita ang ginawa niyang paghahalughog sa bawat drawer na nasa loob nito. Kitang kita rin na tinanggal ni Malubay ang CCTV matapos na mapuna niya itong nakatutok sa kanya.
Ayon sa pulisya, nabuko ang pagnanakaw ng suspek nang mapuna ng may-ari ng shop ang pagkawala ng cctv camera sa kanyang tanggapan kung kaya nagpasya itong panoorin na lamang ang video nito kung saan nakita ang suspek na siyang may kagagawan.
Nabatid na halagang 30 libong piso ang natangay ng suspek sa nasabing tanggapan. Nakapiit ngayon ang suspek sa PS7 habang inihahanda ang kasong robbery na isasampa laban sa kanya.
- Latest
- Trending