MANILA, Philippines - Isang 17-anyos na binatilyo ang pinangangambahang dinukot umano ng dalawang pulis-Maynila matapos ireklamo ng kanyang lola na may tatlong araw na umanong nawawala, sa Tondo, Maynila.
Sa reklamo ni lola Corazon Bordad, 59, ng #1507 Tindalo St., Tondo, noong Sabado pa umano hindi natatagpuan ang apo niyang si Danilo Samson, 17. Sa salaysay ni Bordad sa MPD-General Assign ment Section (GAS), dakong alas-3 ng madaling-araw noong Sabado nang lumabas ng kanilang bahay ang apo upang maglaro ng bingo at nagtungo rin umano sa bahagi ng Alvarez St. Tondo hanggang sa hindi na makita pa.
Bagamat hindi pa beripikado, naghihinala ang ginang na posibleng ang mga kagawad umano ng Manila Police District na pinangalanan niyang sina “Michael Pastor” at “Maximo So” ang posibleng may kinalaman sa pagkawala ng kanyang apo. Naikuwento umano ng apo sa lolo na sinabihan umano ng pulis na si Pastor na kapag nakitang muli ay papatayin siya. Sinabi ni Bordad na matagal nang may galit sa kanyang apo ang pulis na si Pastor sa hindi naman ibinunyag na dahilan.
Nanawagan si Bordad sa mga pulis na ilabas ang apo dahil nais niyang makita ito anuman umano ang nangyari. Inaasahang ipatatawag ang dalawang pulis na inaalam pa kung ito ay miyembro ng MPD at kung may katotohanan ang alegasyon. (Ludy Bermudo)