MANILA, Philippines - Sinalakay ng walong mga armado at maskaradong kalalakihan na pinaniniwalaang grupo ng Alvin Flores gang ang isang cellphone showroom na natangayan ng tinatayang umaabot sa P.4 milyon kahapon ng madaling araw sa Pasig City.
Ayon sa ulat, pinasok ng mga suspect ang “The Semicon Cellphone Showroom” na nasa 3rd floor ng 8th storey building na nasa #50 Semicon Building Marcos Highway, Dela Paz, ng lungsod na ito.
Sa pahayag ni Maylin Enriquez, 29, business administrator ng nasabing establisimento, dakong alas-3 ng madaling-araw nang sumalakay ang mga suspect na nakasuot ng bonnet at pawang armado ng malalakas na kalibre ng armas.
Ang Alvin Flores gang ay wanted sa mga awtoridad kaugnay ng pagkakasangkot sa serye ng robbery/holdup sa malalaking establisyemento, carnapping at iba pang illegal na aktibidades sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga suspect ay sakay ng isang itim na Land Cruiser at nagpakilalang mga pulis.
Tuloy tuloy umano sa parking lot ang mga suspect at dumaan sa gilid ng gusali papasok sa showroom.
Naghihinala naman ang mga awtoridad na target ng mga suspect ang may-ari ng gusali subali’t hindi ito makita kung kaya’t pinaghahakot na lamang ang mga stocks at dalawang lap top computers na nasa showroom na aabot sa P400,000 ang halaga. (Joy Cantos)