Sekyu namaril, mag-ina patay

MANILA, Philippines - Isang mag-ina ang namatay sa pamamaril ng mga guwardiya sa kaguluhang naganap habang nagsasagawa ng kilos protesta ang mga biktima at kanilang mga kasamahan hingil sa inaangkin nilang lupain sa Barangay North Fairview, Quezon City, iniulat kahapon.

Kinilala ni Chief Insp. Benjamin Elenzano, hepe ng homicide section ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District, ang mga nasawi na sina Myrna Porcare, 42, may-asawa, reflexologist at presidente ng Samahang Magkakapitbahay sa Petchayan household Association; at ang anak na si Jemer, 18; pawang resi­dente sa Petchayan Kanan sa naturang barangay.

Arestado naman ang mga suspek na sina Ernesto Cruz, 28, guwardiya; at Nelson Corporal, 37, ng Antipolo City.

Ayon sa ulat ni SPO1 Neil Garnace, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa harap ng bahay ng mag-ina habang nagsasagawa ang mga ito ng kilos protesta kaugnay sa patuloy na paglalagay ng bakurang yero sa palibot ng kanilang lugar pasado alas-5:00 ng hapon kamakalawa.

Ang naturang konstruksyon ay ginagawa ng grupo ng mga kalalakihan kasama ang mga suspek sa ilalim ng pamamahala ng isang Jhonson Robert ng Janu Security agency na inupahan ng isang Melicio Navarez na sinasabing may-ari ng lupain.

Habang nagpoprotesta, nagkagulo ang mga kasamahan ng mga biktima at mga suspek hanggang sa magbunot ng kanilang mga baril ang mga guwardiya at pinaputukan ang mga una saka nagsipagtago sa kanilang quarters.

Show comments