MANILA, Philippines - Nasunog ang power transformer ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Sub-Station sa bayan ng Taytay, Rizal kamakalawa ng gabi na nagdulot ng matagalang ‘rotating brownout ‘ sa silangang bahagi ng Metro Manila.
Ayon kay Mr. Joe Zaldarriaga, spokesman ng Meralco, bunga ng insidente ay nagkaroon ng tatlo hanggang apat na oras na ‘rotating brownouts’ sa mga apektadong lugar na sinusuplayan ng kuryente ng nasabing NGC sub-station.
Kabilang dito ay ang ilang bahagi ng Rizal, mga lungsod ng Pasig, San Juan, Mandaluyong, Marikina at Quezon City.
Batay sa report, dakong alas-9 ng gabi nitong Miyerkules ng magkaroon ng pagsabog na nauwi sa pagkasunog ng transformer ng NGC sub-station sa Brgy. Dolores sa bayan ng Taytay, Rizal.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero na nahirapang maapula ang apoy sa lugar. Ang sunog ay tumagal ng halos isang oras.
Ikinatwiran ni Zaldarriaga na ipinatupad nila ang ‘rotating brownouts’ upang mabawasan ang epekto ng pagkasunog ng NGC sa distribusyon ng kuryente.
Kamakalawa ng gabi ay dumanas na ng brownouts ang Quezon City, ilang bahagi ng Rizal kabilang ang mga bayan ng Cainta, Angono, Taytay, Binangonan at Antipolo City gayundin ang mga lungsod ng Mandaluyong, Marikina, Pasig at San Juan.