Sumama sa paglilinis, tanod todas sa dump truck
MANILA, Philippines - Hindi akalain ng isang barangay tanod ang boluntaryo niyang pagtulong sa paglilinis ng basura dulot ng bagyong Ondoy ang hahantong sa kanyang kapahamakan makaraang aksidenteng magsara ang takip ng dump truck at tamaan ang ulo nito na kanyang agad na ikinasawi sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktima na si Angelito Balana, 28, ng 114 G. Araneta Avenue, Brgy, Tatalon sa lungsod.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Kaliraya St., Brgy Tatalon ganap na alas- 2:30 ng hapon.
Bago ang insidente, bilang pagmamalasakit sa mga nabiktima ng nakaraang bagyong Ondoy, kasama ang biktima ng kanyang kabarangay at puwersa ng QCPD Station 1 para magsagawa ng clearing operations sa nasabing lugar.
Habang naglalagay ng nakuhang basura ang biktima sa may Isuzu dump truck (RBT-667) ay aksidenteng sumara ang takip na bakal nito dahilan upang tamaan ang ulo ng una.
Sa lakas ng pagkakahampas, duguang napasubsob ang biktima sa truck dahilan upang agad na sumaklolo ang kasamahang pulis at isinugod ito sa Delos Santos hospital ngunit idineklara din itong patay. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending