Binatilyo patay sa adik

MANILA, Philippines - Butas ang ulo ng isang 17-anyos na binatilyo na agad na ikina­matay nito makaraang barilin ng dalawa umanong drug adik na kabataan sa lungsod Quezon kahapon ng madaling- araw. Dead-on-arrival sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Keempee Valleser, binata ng Caloocan City.

Pinaghahanap naman ng awtoridad ang mga suspek kung saan isa sa mga ito ay nakilala sa alyas “Topak” na bumaril sa biktima.

Naganap ang insidente sa may kahabaan ng San Roque St., Brgy. Holy Spirit sa lungsod ganap na ala-1:25 ng madaling araw. Nakatayo umano ang biktima kasama ng kaibigang si John Mar sa lugar nang dumating ang suspek na may bitbit na baril at tinutukan nito ang una.

Matapos tutukan ng suspek ang biktima ay naglakad ito papalayo. Ngunit sinundan ito ng biktima at dumampot ng bato saka pinukol ang suspek. Dito na nagalit ang suspek at binaril ito sa ulo. Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad upang ma­aresto ang mga suspek. (Ricky Tulipat)

Show comments