Riding-in-tandem na holdaper, bugbog sarado sa taumbayan
MANILA, Philippines - Nagpiyesta sa panggugulpi ang galit na taumbayan sa dalawang hinihinalang holdaper sakay ng isang motorsiklo makaraang makorner ang mga ito matapos na biktimahin ang isang empleyada ng bangko, kahapon ng umaga sa Mandaluyong City.
Mistulang lantang-gulay ang inabot ng mga biktima matapos na mailigtas sa posibleng kamatayan ng pulisya kung saan nakilala ang mga ito na sina James Bernardo, 21, ng Brgy. Taas at Natalio Manansala, 24, ng Brgy. Poblacion, ng naturang lungsod.
Pormal na sinampahan ang mga ito ng kasong robbery hold-up ng biktimang si Janie Lee Aquino, 23, dalaga, ng Brgy. Plainview, Mandaluyong City.
Base sa ulat, dakong alas-8:30 ng umaga nang huminto sa harapan at hablutin ng dalawang suspek ang bag ni Aquino ha bang naghihintay ito ng masasakyan sa may Katarungan St., Brgy. Plainview.
Nasaksihan naman ng taumbayan ang krimen kaya tulung-tulong ang mga ito na hinabol ang humarurot na motor habang ang iba ay hinarang ang daraanan nito sa kalsada sanhi upang makorner ang dalawa. Dito na pinagsusuntok at pinagsisipa ang dalawang suspek at posibleng nasawi kung hindi naawat ng mga rumespondeng tauhan ng Mobile Patrol Unit ng Mandaluyong police.
Bukod sa bag ng biktima, narekober drin ng mga pulis ang motorsiklong gamit ng mga suspek sa krimen na hinihinalang nakaw din. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending