P10 bilyon winasak ni 'Ondoy' sa Marikina pa lamang
MANILA, Philippines - Umaabot sa napakalaking P10 bilyong halaga ng mga establisimento at ari-arian ang winasak ng delubyong dulot ng bagyong Ondoy nitong Setyembre 26 sa Marikina City pa lamang.
Ito ang inilabas na ulat ni Mayor Maria Lourdes Fernando sa pulong-balitaan kung saan kasama ang may P500 milyong halaga ng equipment na nasira sa loob ng Amang Rodriguez Medical Center, P100 milyon sa mga paaralan at city hall.
Nakikiusap ngayon si Fernando sa mga taga-Marikeño na makipagtulungan sa paglilinis upang maibalik ang pagkakakilanlan sa kanilang lungsod na pinakamalinis sa Metro Manila.
Wala naman umanong dapat sisihin sa naturang trahedya at hindi ngayon ang panahon upang magturuan dahil sa walang sinuman ang may kapabilidad na malaman kung kailan tatama ang flashfloods tulad rin ng lindol at pagguho ng lupa.
Ipinaliwanag nito na gumagana naman ang “drainage system” ng Marikina ngunit hindi nakayanan ang may 23 metrong taas ng tubig na dumagsa sa kanila buhat sa kabundukan at ilog. May 14 na metro lamang umano ang normal na “water level” sa Marikina River.
Umaabot sa 67 katao ang nasawi sa lungsod ngunit 33 lamang umano dito ang residente ng Marikina habang ang iba ay inanod ng baha.
Nadagdagan pa ito kahapon makaraang isang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki ang natagpuan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending