MANILA, Philippines - Matapos ang isang linggong suspensyon dahil sa matinding pagbabaha, ibinalik na mula pa kahapon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang number coding o Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) dahil sa inaasahang pagdagsa muli ng mga sasakyan sa mga kalsada.
Sinabi ni MMDA Chairman Bayani Fernando, kinakailangan na nilang ibalik ang number coding upang maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila, lalo na’t nagbukas na muli ang klase sa mga paaralan.
Tuloy naman ang pagpapairal ng “window hour” sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon sa mga piling lungsod kung saan pinapayagang magamit ng mga motorista pansamantala ang kanilang sasakyang sakop ng number coding.
Muling pinaalalahanan naman ni Fernando ang mga motorista na umaabuso sa number coding na hindi pases ang kanilang “commemorative plates” sa naturang regulasyon. Kailangan umanong sumunod sila sa tama at ikabit ang kanilang regular na plaka katabi ng commemorative upang mabatid kung anong araw ito bawal sa kalsada.
Hindi naman pinaiiral ang “window hour” sa Makati City dahil may ipinaiiral na sariling programa sa batas trapiko.
Inistasyon naman ni Fernando ang kanilang “command center” sa likod ng Marikina City Hall upang mapabilis umano ang pagdadala ng mga equipments at tauhan na naglilinis ng mga kalsada sa iba pang lugar sa naturang lungsod, Pasig City, Cainta at Taytay sa lalawigan ng Rizal. (Danilo Garcia)