MANILA, Philippines - Dahilan sa umano’y hindi makayanang problema sa pera at matatanggal pa sa trabaho, isang 47-anyos na security guard ang nagbaril sa sarili kahapon sa Quezon City.
Nakilala ang biktimang si Agosto Ganitano, ng Cove nant Security Services at nakatira sa Phase-10, Blk-83, Lot-6 Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon sa ulat, nadiskubre ang bangkay ng biktima dakong alas-8:30 ng umaga sa guard house ng Cabral Cmpd. na nasa St.Francis St. Torres Vill. Brgy. Nagkaisang Nayon Quezon City.
Sinasabing bago naganap ang krimen, nakausap pa ng isang Jepoy Abella ang biktima at dito naikuwento sa kanya ang malaking problema nito sa pera at ang nakaambang pagkawala ng trabaho.
Matapos umanong makipagkuwentuhan ni Abella, iniwan na niya ang biktima sa naturang guard house bandang alas-8 kamakalawa ng gabi. Kinabukasan na nang madiskubre ang bangkay nito at mismong service shotgun nito ang siyang ipinutok nito sa kanyang dibdib.
Gayunman, iniimbestigahan pa rin ng pulisya kung walang foul play sa naganap na pagkamatay ng biktima. (Angie dela Cruz)