MANILA, Philippines - Umapila kahapon si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando sa publiko na maglinis ng kanilang drainange at disiplinahin ang kani-kanilang sarili sa pagtatapon ng basura lalu na sa mga naapektuhan ng bagyo upang hindi na maulit ang trahedya na ikinasawi ng mahigit sa 200 katao.
Sa isang panayam kay Fernando, nilinaw nito na walang katotohanan na mayroong P500 million, sa halip ang nakalaang pondo lamang ng ahensiya para sa proyekto ng flood control sa buong Kalakhang Maynila ay nagkakahalaga ng P250 million kada taon.
Matagal ng sinisisi ng MMDA sa publiko ang mga baradong drainage at kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura.
Base kasi sa pag-aaral ng MMDA, ang mga nakabarang basura sa mga drainage ang dahilan ng pagtaas ng tubig baha sa buong Kalakhang Maynila.
Umapila din si Fernando sa Solid Waste Collectors Association of the Philippines (SWACAP) na agarang pagkolekta ng tone-toneladang basura lalo na sa panahon ng baha dahil posibleng kumalat ang sakit.
Nabatid na ang cleaning operation ng MMDA ay nakasentro ngayon sa Marikina City Market, pagkatapos ay sa Provident Village, kung saan ito ang grabeng naapektuhan ng bagyong Ondoy.
Halos masuka-suka ang mga kawani ng MMDA sa cleaning operation dahil sa napakabahong amoy na kanilang nalalanghap dahil ang amoy ay pinaghalong putik at mga patay na hayop. (Lordeth Bonilla)