Clerk of court, sheriff arestado sa kotong
MANILA, Philippines - Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-asawang clerk at sheriff sa aktong tumatanggap ng malaking halaga ng salapi mula sa isang negosyante na ang anak ay sangkot sa murder, kapalit ng pabor na desisyon sa korte, sa isinagawang entrapment sa Quezon City, sa ulat kahapon.
Kinilala ng NBI-Special Task Force ang mga suspek na sina Aurora Castañeda, Clerk III, ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 224 at mister nitong si Lorenzo Castañeda, sheriff ng korte, at kapwa residente ng #8 Examiner St., West Triangle, Quezon City.
Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamo ng isang Rebecca Bautista ng Sikatuna Village, Quezon City.
Inirekomenda naman ni QC Assistant City Prosecutor Alessandro Jurado na estafa o Article 315 at hindi direct bribery sa ilalim ng Revised Penal Code (RPC) at paglabag din sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang kaso laban kay Aurora at piyansang P40,000 sa estafa at P30,000 sa katiwalian.
Gayunman, iniutos ng piskalya ang pagpapalaya kay Lorenzo sa rekomendas yong ‘release for further investigation dahil kailangan pa umano ang clarificatory questioning at idaan sa preliminary investigation upang idetermina ang naging partisipasyon nito sa krimen.
Naganap ang entrapment sa restaurant sa Matalino Street, Quezon City dakong 2:30 ng hapon noong Lunes.
Nabatid na si Aurora umano ang nanghihingi ng malaking halaga kay Bautista para maaprubahan ang petition for bail kahit isang ‘non-bailable’ ang kaso ng anak na si Emmanuel Bautista, na nakapiit sa QC jail noong pang Agosto 21, 2008.
Nangako rin umano ang suspek na malalakad niya rin na maabswelto sa kaso si Emmanuel.
Nabatid na na-deny na ang motion for reinvestigation at omnibus motion ng anak ng negsoyante sa sala ni Judge Tita Marlin Payoyo-Villordon.
Una rito, nanghingi ng P1-milyon si Aurora para payagang makapag-piyansa umano ang anak subalit na-deny umano ng korte, ani Bautista.
Nang maghain ng mga petisyon ay muling nangako si Aurora na mapapaburan at maibabasura ang kaso ng anak kung magbibigay muli ng karagdagang salapi, subalit muling na-deny ang MR.
Bunga ng mga kabiguan ng complainant sa kabila ng pagbibigay ng malaking halaga, dumulog siya sa NBI-STF at plinano ang entrapment.
Nang pumayag si Aurora sa partial payment na P500-libo, nakipagkita si Bautista at mister nito at dito na isinagawa ang entrapment.
- Latest
- Trending