Resort owner 'sinaniban', tumalon mula 15th floor
MANILA, Philippines - Dahil sa may-sakit sa pag-iisip at sa hinalang sinasaniban ng masamang espiritu ang nagtulak sa isang 44-anyos na negosyante na may-ari ng isang beach resort sa Palawan para tumalon buhat sa terrace ng ika-15 palapag ng condominium sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Basag ang bungo at patay sa pinagbagsakan ang biktimang si Elena Maninang Flisi, Pinay na may-asawang Italian national, may-ari ng Dolarog Beach Resort sa Palawan at pansamantalang nanunuluyan sa Room 1501 Mayfair Tower 1106 Mabini corner United Nations Ave., Maynila.
Sa ulat ni Det. Steve Casimiro ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-10:45 ng umaga nang tumalon ang biktima sa veranda ng kanyang unit na nasa 15th floor ng nasabing condominium.
Ayon pa sa report, ang biktima ay lumuwas lamang sa Maynila dahil sa kagustuhan niya at sinamahan siya ng anak na babae at kapatid niyang si Rodelio Maninang.
Habang nasa loob umano ng kuwarto ang mga kasamahan ng biktima ay nagtungo ito sa harang na grills ng veranda at bigla na lamang tumalon.
Nabatid na kalalabas lamang umano ng condo ng mister ng biktima na si Edo Flisi, 54, negosyante, Italian national, upang mag-withdraw sa ATM nang maganap ang insidente.
Nabatid pa na kamamatay lamang ng ina ng biktima noong Setyembre 18, 2009, sa Quezon Province at kahit wala pa umanong ‘pasiyam’ ay nagpumilit nang lumuwas sa Maynila ang nasawi at nagagalit umano sa kokontra sa kanya.
Sa pahayag naman umano ni Rodelio, habang nasa Quezon province sila ay napuna na ang kakaibang kilos ng kapatid kaya ipinagamot umano ito sa albularyo.
Aminado rin umano ang mister ng biktima na si Edo, sa kakaibang ikinilos ng misis nang dumating siya sa bansa noong Miyerkules ng hatinggabi buhat sa Italy.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon upang matiyak na walang naganap na foul play sa insidente. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending