MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang mabangga ng isang taxi, isang bus at isang trak habang nagtatangkang tumawid sa kahabaan ng EDSA sa Makati City kahapon ng madaling-araw.
Nagkalasug-lasog ang mga buto at basag ang ulo ng hindi pa nakikilalang biktima. Hawak naman ng mga awtoridad ang driver ng taxi (TWS-421) na si Danilo Saring, 53, ng Block 205 Lot 18, Cactus Street, Brgy. Pembo, ng naturang lungsod. Tumakas naman ang mga driver ng nakabangga rin na bus at trak.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:40 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa paanan ng flyover sa may EDSA malapit sa Arnaiz Avenue.
Binabagtas ni Saring ang EDSA nang hindi mapansin ang biktima na umano’y biglang tumawid hanggang sa mahagip ito at tumilapon ng ilang metro. Lalo pang natiyak ang kamatayan ng biktima nang mabundol ito ng kasunod na bus at ng isa pang trak na kumaladkad sa biktima.
Hinintuan naman ni Saring ang biktima ngunit tuluyang tumakas na ang mga driver ng bus at trak na hindi na nakuha ang plaka dahil sa bilis ng pangyayari.
Sinabi naman sa pulisya ng security guard ng Ecology Village na katapat ng pinangyarihan ng insidente na madalas niyang nakikita na palabuy-laboy lamang sa lansangan ang biktima. (Danilo Garcia)