MANILA, Philippines - Tatlo katao ang nasawi, habang isa pa ang malubhang nasugatan matapos na pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa nakikilalang salarin habang nag-iinuman ang mga una kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nasawi noon din ang mga biktimang sina Sherwin Mariano, 26; Wally Macasinag at Oliver Sampaga, 22 sanhi ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan.
Sugatan naman si Vener Revano, ng nabanggit pa ring lugar, nagtamo naman ito ng tama sa mukha.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa kahabaan ng Sampaloc St., Brgy. 177, Camarin.
Nabatid na kasalukuyang nag-iinuman ang mga biktima sa nabanggit na lugar, ng bigla na lamang sumulpot ang hindi nakikilalang suspek na armado ng baril at walang sabi-sabing pinaulanan ng putok ang mga biktima.
Blangko pa ang pulisya sa motibo sa naganap na krimen. (Lordeth Bonilla)