3 pang bangkay natagpuan sa Quezon City
MANILA, Philippines - Tatlo pang bangkay na pawang biktima ng bagyong si Ondoy ang natagpuan sa lungsod Quezon kahapon.
Unang nakita ang bangkay ng isang 13-anyos na totoy na si Jay Elopre, estudyante at residente sa West Los Angeles, Brgy. San Bartolome sa lungsod.
Si Elopre ay natagpuan palutang-lutang ng grupo ng mga batang mangangalakal sa may Tullahan River sa Brgy. Bagbag Novaliches sa lungsod pasado alas-6 ng umaga.
Ayon sa pulisya, ang bata ay iniulat na nawawala noong Sept 27, matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig dulot ng nasabing bagyo.
Bukod dito, dalawa pang hindi nakikilalang bangkay ng lalake at babae ang natagpuan kahapon ng alas-2:30 ng madaling-araw sa may gilid ng Marikina River sa Sitio Payong, Brgy. Old Balara sa lungsod.
Ang nasabing mga bangkay ay nakita ng mga residente habang natatabunan ng mga putik ang mga katawan.
Ayon sa QCPD, posibleng ang mga biktima ay galing sa kabilang kalye at inanod lamang sa nasabing lugar. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending