Habambuhay sa pulis, 1 pa sa human trafficking
MANILA, Philippines - Habambuhay na pagkabilanggo ang hatol sa isang tauhan ng pulis at kaibigan nito matapos mapatunayang sangkot sa human trafficking.
Ibinaba ni Manila RTC Branch 9 Judge Amelia Tria-Infante ang hatol kina PO2 Dennis A. Reci at Feliciano Manansala matapos na mapatunayang nagkasala ng Qualified Trafficking ang pinakamabigat na kaso sa ilalim ng Anti-Trafficking in Persons Act (R.A. 9208).
Batay sa rekord ng korte, si Reci na noo’y pulis ay nagmamay-ari ng 8RC bar kasama ang kaibigang si Manansala na sinasabi namang nagsasagawa ng child prostitution. Ang naturang establisimento ang umano’y ginagawang front ng dalawa sa kanilang ilegal na aktibidades.
Lumilitaw na ang dalawa ay inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos ang isinagawang pagmamanman ng mga operatiba ng International Justice Mission (IJM) isang human rights agency na lumalaban sa human trafficking.
Una nang nakatanggap ng maraming reklamo ang IJM at ang pulisya hinggil sa illegal na gawain ng dalawa kung kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad sa naturang bar noong Mayo 31, 2005. (Doris Franche/Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending