2 salvage victim magkayakap na natagpuan

MANILA, Philippines - Dalawang bangkay ng lalaki na hinihinalang biktima ng “summary execution” na magkayakap pa ang natagpuan ng mga awtoridad sa madilim na bahagi ng Cuneta Avenue sa Pasay City kahapon ng madaling-araw.

Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima na inilarawang kapwa tadtad ng tattoo sa buong katawan, nakasuot lamang ng brief, at magkayakap pa habang nakatali ng masking tape ang kamay, paa at nakabusal ang mga bibig.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:20 ng madaling araw nang madiskubre ng mga nagpapatrulyang barangay tanod ang naturang mga bangkay sa kanto ng Cuneta at Park Avenue.

Walang natagpuang anumang sugat o tanda ng pagpa­pahirap sa katawan ng mga biktima. Maaaring sinakal umano ang mga ito hanggang sa masawi bago pinagyakap at iginapos.       

Blangko naman ang mga otoridad sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng pamamaslang at sa motibo. Nananawagan ngayon ang pulisya sa mga kaanak nito na magtungo sa Veronica Funeral Parlor upang kilalanin ang mga bangkay. (Danilo Garcia)

Show comments