Looting talamak: PNP pumoste sa Provident Village
MANILA, PHilippines - Nagtatag ng police out post ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Provident Village sa Marikina City sa pinaigting na kam panya laban sa mga magnanakaw na nagsasamantala sa mga bahay na inabandona ng mga may-aring lumikas sa mga evacuation areas.
Personal na ininspeksyon ni NCRPO chief, Director Roberto Rosales ang deployment ng mga pulis sa paligid ng Provident Village at iba pang lugar sa Marikina City kahapon.
Pinangunahan rin nito ang pagtatatag ng pansamantalang police outpost na maaaring takbuhan ng mga residenteng humihingi ng tulong laban sa mga magnanakaw.
Nagpakalat rin si Rosales ng 150 tauhan ng Police Regional Mobile Group sa Marikina at Rosario, Pasig City upang paigtingin ang “foot patrol” dahil sa malawakang ulat ng “looting”.
Sa mga nagdaang sumbong ng mga residente, pinasok ng mga gang ang malalaking bahay sa loob ng Provident Village kamakalawa matapos na bahagyang humupa ang baha kung saan isinakay ang mga naisalbang mga telebisyon, refrigerator, aircon unit at iba pang kagamitan sa mga kariton at gawa-gawang bangka. (Danilo Garcia at Joy Cantos)
- Latest
- Trending