MANILA, PHilippines - Isinailalim na kahapon ni Quezon City Mayor Feliciano “SB” Belmonte Jr. sa state of calamity ang 50 barangay sa Quezon City matapos salantain ng bagyong Ondoy.
Sa isang panayam, sinabi ni Mayor Bel monte na hanggang kahapong alas-11 ng umaga ay umaabot na sa 27 ang namatay, 100 ang nawawala sa lungsod kaugnay ng paghagupit ng naturang bagyo noong nagdaang araw ng Sabado.
Patuloy din anya ang ginagawang pamamahagi ng QC hall ng mga pagkain at iba pang pangangailangan ng mga residenteng pansamantalang naninirahan sa mga evacuation center sa ngayon. Partikular na inaayudahan ang mga residente ng barangays Bagong Silangan, Tatalon, Fairview, Sta. Lucia, Sta. Monica, Old Balara, Talayan, Batasan, Roxas District, Ermin Garcia at Talipapa.
Anya, nagsagawa din sila ng pagse-census sa mga lugar sa Quezon City na binaha upang makagawa ng dagdag na mga paraan kung paano maiibsan ang epekto sakaling maulit ang ganitong uri ng kalamidad. (Angie dela Cruz at Ricky Tulipat)