MANILA, PHilippines - Kinumpirma kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaroon ng malawakang oil spill sa Marikina River.
Sinabi ni PNP Spokesman Sr. Supt. Leonardo Espina, mismong si PNP Chief Director General Jesus Verzosa ang nakasaksi sa malawak na oil spill sa nasabing ilog kahapon ng umaga nang ito’y magsagawa ng aerial survey sa mga lugar na sinalanta sa Metro Manila at karatig lugar ng malakas ng bagyong Ondoy.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na nagmula ang nasabing langis sa Oil Storage Tank ng Noah Paper Mill na naglalaman ng aabot sa 650 libong litro ng langis at nasa gilid ng Marikina River. Nasira umano ang oil pipeline ng Noah Paper Mills nang itoy daanan ng malakas na agos ng tubig sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ondoy kayat tumagas ang libu-libong litro ng langis na dumaloy sa naturang ilog.
Samantala, nagkakaroon na ngayon ng pahirapan sa pag-rescue ng mga nasalanta ng bagyo sa Riverside Subdivision, Pasig City. Maliban sa malakas na agos ng tubig, kumakalat na ang oil spill sa Pasig, na nagpapahirap sa mga rescuers.
Nabatid na mahigit 10,000 mga residente ang inilikas sa coastal area ng Pasig-Ortigas extension.
Ang Marikina ang pinakagrabeng sinalanta ng flashflood sa Metro Manila kasunod ang Pasig City kung saan karamihan sa mga residente ay napilitang umakyat sa bubungan o rooftop ng kanilang mga tahanan. (Joy Cantos)